source: Russell Cadayona (Pilipino Star Ngayon)
MANILA, Philippines - Kumpiyansa si coach Jong Uichico na malaki ang magiging pagbabago sa Barangay Ginebra sa nalalapit na 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
Ito, ayon kay Uichico, ay dahil na rin sa pagkakahugot nila kay 6-foot-9 Yancy De Ocampo mula sa Air21 para kina Rich Alvarez at Doug Kramer at ang pagkuha kay 6’6 import Awvee Storey.
“I just think that the other teams are getting stronger than us in terms of manpower,” ani Uichico. “We are injecting new blood, new players in the team.”
Si De Ocampo, dinala ng Talk ‘N Text sa Air21 kasama si Ren-Ren Ritualo, Jr. kapalit nina 6’6 JR QuiƱahan, Mark Yee at Aaron Aban, ang magiging lehitimong sentro ng Gin Kings.
Makakatuwang ni De Ocampo sa shaded lane sina 6’5 Eric Menk, 6’5 Rico Villanueva at 6’5 Billy Mamaril
Kung may kailangan pa si Uichico, ito ay isang pointguard na makakatulong nina 2009 PBA Most Valuable Player Jayjay Helterbrand, Mark Caguioa, Ronald Tubid at Cyrus Baguio.
Lumutang ang balitang gustong hugutin ng Ginebra si Fil-Am Alex Cabagnot mula sa Air21 para kay Baguio.
Inaasahan naman ni Uichico na makakasabay sa kanilang sistema ang 32-anyos namang si Storey, isang NBA veteran at minsan nang naging kakampi ni NBA superstar Gilbert Arenas sa Washington Wizards.
“He’s an all-around player. Hopefully, kapag nadagdagan na ‘yung team ng mga kulang na players he will fit into the system of the team,” wika ni Uichico kay Storey.
Ang 6’6 na si Storey ay produkto ng Arizona State at 16 beses na nagtala ng double-double performance sa kanyang 85-game career.
Noong 2000-01, nakatanggap siya ng Pac-10 Honorable Mention honours matapos maglista ng mga career-high sa puntos (13.1) at rebounds (9.1).
laban mga bata ginebra ginebra
ReplyDelete